Dalawang lalaki sa bayan ng Alcantara at Looc ang parehong na-ospital matapos masangkot sa magkahiwalay na krimen noong nakaraang Biyernes.
Sa bayan ng Alcantara, bandang alas-5 ng hapon nang mangyari ang krimen kung saan nasaksak di umano ng suspek na si Agustin Corong, 45, ang biktimang si Yobildo Galicia, 65.
Ayon sa ulat ng Alcantara Municipal Police Station, nagkasalubong umano ang dalawa sa kalsada nang magka-ungkatan ng nakaraan nilang pagtatalo. Dito na sila nagkaroon ng pagtatalo hanggang sa bumunot ng kutsilyo ang suspek at sinaksak ang biktima sa leeg.
Agad namang nadala sa ospital sa Looc ang biktima at kalaunan ay inilipat sa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan.
Ayon kay Major Chisi Faderagao ng Alcantara PNP, nahuli na nila ang suspek matapos itong sumuko sa mga pulis ng Santa Maria Municipal Police Station.
Sa bayan naman ng Looc nataga ang biktimang si Marc Gio Ludenar, 29, nang kanyang inalok ng alak na si Rosendo Benedicto Sarmiento, 36, sa Barangay Poblacion.
Ayon sa Looc Municipal Police Station, nauwi umano sa suntukan ang pagtanggi ng suspek sa inalok na alak ng biktima. Habang nagsusuntakan umano ay may naabot na bolo ang suspek na ginamit naman umano nitong pantaga sa dibdib ng biktima. Nagpapagaling na ang biktima at nakakulong naman ang suspek.
Mahaharap ang dalawang suspek sa kasong frustrated homicide.