Stranded sa Romblon, Romblon ang 100 pasahero na patungo sana ng Sibuyan Island ngayong araw matapos ihinto ang biyahe ng mga barko patungo sa isla dahil sa malalakas na along nararanasan sa probinsya.
Ayon kay Caesar Malaya, hepe ng Romblon Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, 74 ang nanatili sa Public Plaza habang ang ilan ay nasa hotel, pribadong bahay, at sa DICT building.
Nakataas ngayon ang Gale Warning sa probinsya ng Romblon dahil sa masamang panahon.
Nagbigay naman ng pagkain ang mga shipping lines sa mga stranded na pasahero habang nagbigay ng libreng check-up ang mga tauhan ng Rural Health Unit ng Romblon.
Inaantay ng mga shipping lines na ibaba ng Coast Guard ang Gale Warning sa lalawigan bago subukan na bumiyahe patungo sa Sibuyan Island.