Bumaba ang mga naitatalang krimen sa buong probinsya ng Romblon mula Enero hanggang Nobyembre ngayong taon kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ito ang iniulat sa isinagawang press briefing ng lidarto ng Romblon Police Provincial Office nitong Biyernes, December 2.
Ayon sa ulat ni Police Col. Jonathan Paguio, Provincial Director ng Romblon PPO, sa dating 387 na crime volume noong nakaraang taon, bumaba nalang ito sa 325 ngayong 2022 kung saan 67 rito ang tinatawag nilang index crime.
Bagamat bumaba, sinabi ni Col. Paguio na sa 67 na index crime, 28 rito ay kaso ng rape, pinakamataas sa lahat ng naitalang index crime ng mga kapulisan.
Paliwanag pa ni Col. Paguio, pinakaramaing naitalang kasong rape ay sa bayan ng Romblon at Santa Maria. Sa mga nabiktima ng rape, 21 rito ay minor habang 7 naman ang 18 taong gulang pataas.
Kahit na pinakamarami ang naitalang rape cases sa index crime ngayong taon, sinabi ni Col. Paguio na mas mababa ang 28 kasong naitala ng probinsya kumpara sa 34 noong 2020 at 47 noong 2021.
Paliwanag nito, isa sa mga posibleng nagiging dahilan ng mga insidente ng panggagahasa ay ang madalas na pagtutok sa social media ng mga mapupusok ang loob.