Itinalaga bilang bagong Project Supervisor ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) si Romblon Electric Cooperative (ROMELCO) General Manager Rene Fajilagutan.
Isinagawa kahapon sa PALECO Main Office ang panunumpa ni Fajilagutan kasama ang iba pang bagong halal na opisyales ng PALECO Board of Directors.
Ang pagkakatalaga kay Fajilagutan ay alinsunod sa kautusan ng National Electrification Administration.
Si Fajilagutan ay may humigit-kumulang 35 taon ng nagseserbisyo para sa rural electrification. Maliban sa pagiging General Manager ng ROMELCO, siya rin ang kasalukuyang Pangulo ng Association of Isolated Electric Cooperatives (AIEC), Pangulo para sa rehiyong MIMAROPA ng National Association of General Managers of Electric Cooperatives, Inc. (NAGMEC) at Pangulo ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association, Inc. (PHILRECA) para sa Region IV.
Bilang bagong Project Supervisor, tungkulin ni Fajilagutan na pangasiwaan ang operasyon at pamumuno sa isang electric cooperative, aprubahan o hindi aprubahan ang mga Board Resolutions matapos kunsultahin ang tamang departamento sa NEA at iba pang mga gawaing maaaring iatas sa kanya ng NEA na may kinalaman sa pagpapanatili ng maayos na operasyon ng isang electric cooperative.
Ayon kay PS Fajilagutan, bilang bagong Project Supervisor, siya ay nariyan upang magbigay suhestyon at tulong sa pamunuan ng PALECO at sa Board of Directors nito upang masiguro ang pag unlad ng Kooperatiba at maging isang AAA Electric Cooperative sa lalong madaling panahon.