Nagpasko sa passenger terminal ng Romblon, Romblon ang aabot sa 470 na pasahero matapos hindi sila makatawid noong besperas ng pasko sa Sibuyan Port dahil sa malalaking alon.
Ayon sa ulat ng ABS CBN News, alas-11 ng umaga nitong Sabado nang umalis sa Romblon Port ang barko ng Starhorse Shipping Lines patungong Sibuyan Island ngunit bumalik dahil sa delikadong sitwasyon dulot ng paghampas ng malalaking alon.
Sinabi ni Romblon Port Manager Joselito Sinocruz na sinubukan pang bumiyahe ng barko hapon ng Sabado ngunit hindi na pinayagan ng Philippine Coast Guard.
Ang barko ay galing Lucena City sa Quezion at dumaan ng Romblon bago sana didiretso sa Sibuyan Island. Sakay rin nito ang 10 rolling cargoes.