Unti-unti nang nakakabawi ang ekonomiya ng probinsya ng Romblon sa epekto ng pandemya ng Covid-19 sa mundo base sa datus na nakolekta ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2021.
Sa ginanap na 2021 Provincial Product Accounts Dissemination Forum nitong Martes, November 29, iniulat ng PSA Romblon na umakyat sa P26.4 billion o 3.4% ang Gross Provincial Domestic Product (GPDP) growth rate ng probinsya kumpara sa P25.6 billion noong 2020.
Sinabi ni Engr. Johnny Solis, Chief Statistical Specialist ng PSA Romblon, na nagbigay ng mataas na contribution sa muling paglago ng ekonomiya ng probinsya ang Agriculture, Forestry and Fishing sector, Construction sector, at Public administration sector.
“Noong 2020, nakita talaga natin na bumaba ‘yung ekonomiya natin pero ngayong 2021 ay unti-unti tayong bumabangon sa impact ng pandemic. We expect next year, gawa na nabuksan na ang ating ekonomiya, ma achieve natin ulit ‘yung level ng ekonomiya bago pa ‘yung pandemic,” pahayag ni Engr. Solis.
Aniya, target ng ahensya sa susunod na taon na mahigitan ang 6.9% growth rate para masabing nalagpasan na ‘yung level ng ekonomiya bago pa magkaroon ng lockdown dahil sa Covid-19.
Sa ngayon, tanging ang manufacturing at transportation and storage nalang ang mga sektor sa probinsya na patuloy na bumabagsak base sa 2021 data ng PSA. Nakapagtala ang dalawang sektor ng -4.1% at -16.1 growth rate.
Ang 2021 Provincial Product Accounts Dissemination Forum ay dinaluhan ng mga kawani ng iba’t ibang Office Of The Municipal Planning & Development Coordinator sa lalawigan upang mabigyan sila ng direksyon sa kung ano ang dapat pagtuunan ng pansin sa kanilang paggawa ng plano para sa mga susunod na taon.