May mahigit 300 na kapulisan sa buong probinsya ng Romblon ang naka-deploy para sa pagpapanatili ng kaayusan ng pag obserba ng All Saints at All Soul’s Day sa November 1-2.
Sa press conference ng Romblon PNP nitong Biyernes, sinabi ni Major Edwin Bautista na 118 sa mga ito ay naka-deploy sa 48 na sementeryo sa buong lalawigan habang ang iba ay sa mga pantalan at terminal.
Maliban sa mga kapulisan, dagdag ring katulong umano ng PNP ang Augmented Unit at Advocacy Group kagaya ng mga Philippine Coast Guard, MDRRMO, Red Cross, PNP Maritime at iba pang non-government organizations.
Ayon kay Bautista, ugaliing ligtas pag-alis ng bahay at sa loob ng sementeryo sa panahon ng UNDAS.
Paalala nito bago umalis ng bahay:
- planuhin ang pagdalaw sa sementeryo at huwag sumabay sa inaasahang dagsa ng mga tao.
- Ikandado rin umano ang lahat ng pinto at bintana sa bahay bago umalis.
- Tiyakin na walang naiwan na nakasinding kandila, nakasaksak na appliance, o di kaya ay bukas na gas stove at gripo.
- Iligpit rin umano ang anumang mahahalagang bagay sa labas ng bahay.
- Itagubilin sa pinagkakatiwalaang kapitbahay ang tinitirhan
- at iwasang mag iwan ng notes sa labas ng mga pintuan.
Pagdating sa sementeryo, ayon kay Major Bautista,
- Magbaon ng panangga sa init at ulan.
- Tiyakin na ang kandilang nakasindi ay hindi makakalikha ng sunog o sakuna.
- Magdala ng sapat na pagkain at tubig inumin.
- Tiyakin na ang mga bata ay may pagkakakilanlan.
- Bawal ang pagdadala ng deadly o bladed weapons sa mga sementeryo, pagsusugal, speakers, alak at mga paninda.
- Panatilihin ang minimum public health standard at
- alamin ang lugar ng first aid station at PNP Assistance Hub.
Pahayag pa ni Major Bautista, naka-full alert na ang buong Romblon Police Provincial Office para sa pag-obserba ng UNDAS ngayong taon.