Aabot na sa 35,120 na matatanda sa rehiyon ng Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) ang nakatanggap ng kanilang social pension mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kamakailan.
Sinabi ni DSWD-Mimaropa Information Officer Chatty Anne Decena nang ito ay dumalo sa PIA-Mimaropa Virtual Presser nitong Biyernes, ika-2 ng Oktubre, na ang mga benepisyaryo ng social pension program ng ahensya ay nakatanggap ng P500 kada buwan o P3,000 para sa buwan ng Hulyo hanggang Disyembre ng kasalukuyang taon.
Ang probinsya na may pinakamaraming benepisyaryo ay ang Marinduque na may aabot sa 13,826 na senior citizen; sinundan ito ng Romblon na may 7,455; Occidental Mindoro na may 6,142; Palawan na may 4,586; at Oriental Mindoro na may 3,111.
Posibleng madagdagan pa umano ito dahil nagpapatuloy ang kanilang pamimigay ng pension, at katunayan umano noong unang semester ng taon ay umabot sa 127,878 ang benepisyaryo ng programa sa rehiyon.
Nakakaapekto umano sa matagal na pag-disburse ng pera ang iba’t ibang paghihigpit ng mga lokal na pamahalaan sa rehiyon dahil parin sa pag-iingat na mapasukan ng coronavirus disease 2019.
Ang social pension program ng pamahalaan ay naaayon sa Republic Act No. 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 kung saan ang gobyerno ay magbibigay ng P500 sa lahat ng mahihirap na senior citizens bilang ayuda sa kanilang araw-araw na gastusin at mga gamot.
Ibinibigay ito ng kada semestre ng taon sa halagang P3,000.
Ayon rin sa batas, ang mga kwalipikadong senior citizen ay ang mga mahina, may karamdaman o may kapansanan; walang natatanggap na ibang pension mula sa gobyerno; at walang permanenteng source of income na tutugon sa kanilang araw-araw na gastusin.
Pahayag rin ni Decena na ang mga kwalipikadong senior citizen o di kaya ang mga hindi nakakatanggap ng ayuda ngunit pasok sa payroll na ahensya, ay maaring tumungo sa pinakamalapit na opisina ng Senior Citizen Affairs para i-report ito para ma-berepika.