Ipinahayag kamakailan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Mimaropa na inihanda na ng ahensya ang Client Support System (CSS) upang masiguro na ang emergency subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ay napunta sa mga kwalipikadong pamilya sa rehiyon.
Ang CSS ay isang Client Support Team (CST) na inorganisa upang tugunan ang mga ulat ng hinaing, paglilinaw at mga reklamo patungkol sa pagpapatupad ng SAP sa limang probinsya ng rehiyon. Kasama rin sa nabanggit na CST ang Grievance Hotlines, email address at facebook page upang gawing mas madali para sa mga mamamayan na maipadala ang kanilang mga mensahe sa DSWD Mimaropa CST.
Ayon sa Kagawaran, anumang ulat na makakarating sa DSWD Mimaropa CST ay agad ipapasa sa nakakasakop na Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) o City Social Welfare and Development Office (CSWDO) upang agarang mabigyan ng aksyon sa pamamagitan ng pagsisiyasat ng opisyal ng DSWD. Ang mga tagapagpaganap ng alituntunin ng SAP sa mga nararapat na benepisyaryo nito ay magsasagawa ng pagbisita sa bahay sa sinasabi sa ulat na hindi nararapat o nararapat tumanggap pero hindi napabilang sa master list. Sisiyasatin ng CST ang profile ng mga indibidwal upang matiyak ang napatunayang impormasyon.
Ipinapaalala ng DSWD na ang probisyon ng SAP ay prayoridad ang mga pinakamahirap na pamilya na nasa laylayan ng lipunan. Mga pamilyang direktang naapektuhan ang hanapbuhay bunsod ng COVID-19 pandemya at iniatang sa mga Local Government Units (LGUs) ang tungluling kilalanin ang bawat pamilyang kwalipikado sa naturang pinansyal na ayuda. Hinikayat rin ng ahensya ang mamamayan na magtungo sa kanilang facebook page para sa mga karagdagang impormasyon ukol sa CSS. (Lisabelle Carpio/PIAMimaropa/Calapan)