Ginanap kamakailan ang seremonya ng turn-over na nagtatalaga kay Atty. Erwin N. Aquino bilang bagong Assistant Regional Director ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Mimaropa.
Pinagunanahan ni Regional Director Albert E. Gutib ang nasabing seremonya at pormal na tinanggap ang bagong ARD ng rehiyon bilang katuwang sa pagpapaunlad ng Kagawaran.
Nagsimula ang karera ni Atty. Erwin N. Aquino sa DOLE taong 1996 bilang Clerk III sa loob ng pitong taon at kumuha ng kursong Bachelor of Laws taong 2002 at pumasa sa BAR noong 2006. Naglingkod din siya bilang Mediator-Arbiter taong 2008.
Unang itinalaga si Atty. Aquino bilang Assistant Regional Director ng DOLE noong Pebrero 2014 – Setyembre 2015 sa DOLE CAR at DOLE Region II mula Enero 2017- Abril 2018. Nakapaglingkod rin siya bilang ARD ng DOLE-National Capital Region (NCR) bago mailipat sa rehiyong Mimaropa.
Sa kasalukuyan ay 25 taon ng naglilingkod si Atty. Aquino sa nasabing Kagawaran. Aniya, “Makakaasa kayo sa akin na susuportahan ko kayong lahat sa Mimaropa at inaasahan kong gano’n din kayo sa akin”.
Samantala, si ARD Bernardo B. Toriano, outgoing ARD ng Mimaropa ay itatalaga naman bilang Filed Office Head ng DOLE Occidental Mindoro.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni RD Gutib si outgoing ARD Toriano para sa kanyang suporta at serbisyo na ibinigay sa buong kawani ng DOLE Mimaropa at sa mabuting pakikipagtulungan sa bawat programa ng ahensya. (Lisabelle Carpio/PIA-Mimaropa)