Tiklo sa pinagsamanag pwersa ng Provincial Intelligence Branch ng Romblon Police Provincial Office, Philippine Drug Enforcement Agency, at San Andres Municipal Police Station ang lalaking di umano’y nagbebenta ng iligal na droga, nitong umaga ng Sabado.
Kinilala ang suspek na si Judy Bong Lorena, 33 anyos, residente ng San Andres, Romblon.
Ayon kay Captain Dennis Rivera, ilang araw na nilang minamanmanan ang suspek hanggang sa makabili ang kanilang operatiba kanina ng shabu na nagkakahalaga ng P10,000.
Matapos magkaabutan, agad na inaresto ang suspek na hindi na nakapalag sa pulisya.
Maliban sa nabiling shabu, nakuhaan rin ang suspek ng isa pang maliit na plastic sachet na may laman ring shabu, lighters, at iba pang drug paraphernalia.
Samantala, itinanggi ni Lorena ang paratang sa kanya, aniya hindi umano siya gumagamit ng iligal na droga.
Nakakulong na ngayon si Lorena sa San Andres Municipal Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.