Dahil sa banta ng novel coronavirus, kanselado na ang naka-schedule sanang pagdaan ng Silver Spirit cruise ship sa Romblon, Romblon bukas, February 08.
Ayon sa natanggap na report ng Romblon News Network, hindi na papayagan na pumasok ng Pilipinas ang cruise ship na mula Laem Chabang, Bangkok, Thailand dahil ang ilan umano sa mga sakay nito ay may travel history sa Hong Kong at mainland China.
Base sa order umano ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang nasabing cruise ship ay sa ibang bansa na i-quarantine.
Pagkatapos sana ng Romblon, dadaan rin ng Palawan, at Manila ang nasabing barko para doon mamasyal sa mga nabanggit na lugar ang mga turista mula sa iba’t ibang bansa.
Matatandaang nitong nakaraang linggo ay naglabas rin ng Executive Order ang Punong Barangay ng Cobrado kung saan pansamantala munang ipinatitigil ang ‘tourism-related’ activities ng mga dayuhang turista sa Barangay simula ngayong araw hanggang sa bawiin ang nasabing kautusan.
Ang Silver Spirit ay isang luxury cruise ship na pinapatakbo ng Silversea Cruises.