Nakabitin na sa kisame ng kanilang bahay ng matagpuan ng kanyang magulang ang isang 25-anyos na lalaki sa bayan ng Magdiwang, Romblon nitong Lunes ng tanghali.
Kinilala ang nagpatiwakal na si Jeffrey Ribot, 25 anyos, residente ng Barangay Dulangan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, bandang 11:40 ng tanghali nang umuwi ng kanilang bahay para magtanghalian ang nanay ni Ribot na nagtatrabaho sa Barangay. Napansin nitong naka-lock ang pintuan kaya sumilip siya sa bintana, dito niya na nakita na nakabigti ang kanyang anak.
Agad na humingi ng tulong sa mga kapitbahay ang ina ng binata para subukang iligtas ang anak ngunit huli na ang lahat.
Sa patuloy na pag-iimbestiga ng mga kapulisan, wala naman umano silang nakikitang foul play sa pagkamatay ni Ribot at naniniwala rin umano ang pamilya ng biktima na nagpatiwakal ito.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng Magdiwang Municipal Police Station para alamin ang posibleng dahilan ng binata sa kanyang pagpapatiwakal.