Tatlo katao ang naitala ng pamunuan ng Department of Health (DOH) – Romblon Provincial Office na biktima ng ng paputok sa buong lalawigan ng Romblon kaugnay ng pagdiriwang at pagsalubong ng taong 2020.
Lumalabas sa datus na ibinigay ng DOH-Romblon na dalawa sa mga biktima ay mula sa bayan ng Odiongan, habang ang isa naman ay mula sa bayan ng Romblon. Pinakabata sa kanila ay edad 11 taong gulang habang ang pinakamatanda ay edad 54 anyos.
Parehong kwitis ang tumama sa tatlo na naging dahilan ng sugat sa kanilang mata, at kamay.
Sinabi ni Ralph Falculan, Public Health Nurse ng DOH Romblon, na dinala ng ospital ang mga biktima ngunit pinauwi rin agad matapos mabigyan ng gamot.
Matatandaang noong pagsalubong sa 2019 ay walang naitalang biktima ng paputok sa buong lalawigan.
Samantala, wala namang naitalang biktima ng ‘stray bullet’ sa buong lalawigan ang Romblon Police Provincial Office.