Nakunan ng CCTV ang ginawa ng apat na kabataang kawatan matapos nilang tangayin ang kulay pulang motorsiklo nakaparada lamang sa tabi ng kalsada sa Barangay Ligaya, Odiongan, Romblon.
Nangyari ang pagnanakaw bandang alas-5 ng hapon nitong January 19.
Ayon sa may-ari ng motorsiklo, nagulat nalang sila ng wala na ang kulay pulang motorsiklo sa labas ng kanilang bahay at dito na nila ni-review ang kuha ng CCTV kung saan nakunan ang apat na kabataan.
Bago pa tangayin ang sasakyan, nakunan muna ang apat na suspek na sakay ng kulay green na motorsiklo.
Hindi nakuna ng CCTV ngunit bumaba ang dalawa sa kanila at tila naghahanap ng motorsiklong matatangay. Sinubukan nilang susian ang isang motorsiklo na nasa likod ng isang kotse ngunit bigo sila hanggang sa lumipat sila sa pulang motorsiklo.
Nasusian nila ito at umalis pansamantala. Hindi nagtagal, bumalik ang isa sa mga suspek at unti-unting hinili palayo ang sasakyan.
Ipinaalam na ng may-ari ng motorsiklo sa Odiongan Municipal Police Station ang nangyaring pagnanakaw at nagsasagawa na ng manhunt operation ang pulisya laban sa mga suspek.