Matapos ang mahabang bakasyon, nagsisimula ng magsibalikan ng siyudad ang mga umuwi sa lalawigan ng Romblon para dito magpasko at salubungin ang bagong taon.
Sa Poctoy Port sa Odiongan, Romblon, alas-4 palang ng umaga ngayong Linggo, January 05, ay mahaba na ang pila ng mga pasaherong umaasang makakabili ng ticket para makasakay ng barko mamayang hapon patungong Batangas.
Ang haba ng pila, parang pila sa isang blockbuster na sinehan dahil umabot na ito ng mahigit 20 metro.
Ilan sa mga nakapila ay dito na umano nagpalipas ng gabi sa ticketing para umano makasigurong makakabili ng ticket para makabalik ng Manila ang kanyang kamag-anak ngayong araw dahil balik na sa regular na trabaho ang mga pribadong opisina bukas, Lunes.
Nakaantabay naman ang mga opisyal ng Barangay Batiano sa labas ng pantalan para masigurong nasa ayos ang pila ng mga pasahero at para na rin gumabay sa daloy ng trapiko sa lugar.