Patay ang isang 18-anyos na dalaga habang sugatan ang pinsan nito matapos silang makuryente noong December 29 sa bayan ng Romblon, Romblon.
Ayon sa imbestigasyon ng Romblon Municipal Police Station, nakuryente ang biktimang si Pauline Menes matapos nitong hawakan ang isang wire mula sa poste ng Romblon Electric Cooperative (Romelco) sa pag-aakalang wala itong kuryente.
Agad na nawalan ng malay ang biktima kaya lumapit ang pinsan nito na 17-anyos na dalaga para tulungan sana si Pauline ngunit pati ito ay nakuryente rin. Maswerteng dumating ang tatay ng huli-huling biktima kaya agad naialis sa kanya ang wire ng kuryente gamit ang isang kawayan.
Idineklarang dead on arrival sa hospital si Pauline habang ligtas na ngayon ang lagay ng isa pang biktima.
Sa imbestigasyon ng pulisya, ang linya ng kuryente umano ay putol na simula pa noong manalasa ang bagyong Tisoy sa lalawigan.
Wala pang pahayag ang ROMELCO patungkol sa nasabing aksidente.