Umabot na sa 912 na bahay ang iniwang sira ng bagyong Tisoy sa island municipality ng Banton, Romblon, ayon sa taya ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
Ayon kay Emie Liza Ferrancol ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, 154 sa mga bahay na ito ang talagang wasak na o ‘totally damaged’ habang ang natitira ay partially damaged.
Pinakamarami umanong bahay na napinsala ay sa mismong Poblacion, kung saan may 159 na sinira ng bagyo.
Sa panayam naman ng Romblon News Network kay Mayor Milagros Faderanga, sinabi nitong nag deklara na ng State of Calamity sa kanilang bayan matapos mag-iwan ng kabi-kabilang pinsala ang bagyo sa mga pananim, at mga bahay.
“Malaki po ang damaged rito sa amin bayan, hanggang ngayon Poblacion palang ang may kuryente, dahil maraming nagtumbahang mga poste, at puno. Kaya nagdeklara na kami dito ng State of Calamity kahapon,” ayon kay Faderanga nitong Huwebes.
Sa taya ng Municipal Agriculture Office, aabot sa 42% ng mga agricultural land ang sinira ng bagyo, kabilang rito ang mga tanim na gulay, at mga puno ng niyog na isa sa pangunahing pinagkakakitaan sa isla.
Samantala, tinatayang aabot rin sa mahigit P39-million pesos ang halaga ng pinsala ng bagyo pagdating sa mga imprastraktura.
Nagpapatuloy naman umano ang pamamahagi ng lokal na pamahalaan ng mga pagkain para sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyo.