Isang miyembro ng Philippine Coast Guard ang nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan matapos maaksidente nitong umaga ng Sabado, April 6, sa Barangay Agnay, Romblon, Romblon.
Kinilala ni Police Captain Ledilyn Y. Ambonan, spokeperson ng Romblon Police Provincial Office, ang rider na si Jackson Felipe Malutao, 26, residente ng Barangay Bagacay.
Batay sa imbestigasyon ng Romblon Municipal Police Station, binabaybay ni Malutao ang kahabaan ng provincial road galing Barangay Agnipa ngunit pagdating nito sa may pakurbang daan sa Barangay Agnay, nakatulog ito dahilan upang mawalan ng kontrol sa kanyang sasakyan at sumemplang hanggang sa mahulog sa isang mababaw na bangin.
Agad namang dinala sa Romblon District Hospital ng mga napadaan na mga residente upang gamutin.
Sa patuloy na imbestigasyon ng Romblon Municipal Police Station, nakainum si Malutao nang mangyari ang aksidente.