Nanguna sa katatapos lang na November 2018 Interior Design Licensure Examination ang isang Romblomanon na nagtapos sa De La Salle-College of Saint Benilde (DLS-CSB).
Siya si Kirk Cedrick Moaje ng bayan ng Romblon, Romblon.
Ayon sa ulat ng Professional Regulation Commission (PRC) nakakuha ng 86.85 percentage average si Moaje, pinakamataas sa 251 na nakapasa sa nasabing pagsusulit.
Kwento ni Kirk sa Romblon News Network, hindi niya inaakalang magiging top 1 siya sa pagsusulit.
“May tumawag lang po sa aking classmate ko po, sabi niya nakapasa raw ako at nag-top 1, nagulat ako kasi akala ko joke kaya tumakbo ako sa office ni Papa at tingnan, ayun na nga,” pahayag ni Kirk Cedrick sa phone interview ng Romblon News Network.
Si Kirk, 22, ay anak ng dalawang empleyado ng Provincial Government ng Romblon na sina Sherry Ann Moaje Mariveles at Robert Mariveles.
Naging challenge rin umano sa pag-aaral ni Kirk ang pag-alis ng Romblon para ituloy ang pag-aaral ng kolehiyo sa Manila.
“Wala kasi kaming relatives sa Manila, kaya nag-dorm po ako, mahirap kasi mag-isa ako doon…pinapadalhan lang ako ng allowance ng parents ko,” kwento pa ni Kirk.
“Malaking tulong rin po sa akin yung binigay sa aking full scholarship ng Saint Benilde dahil malaki rin yung nabawasa sa gastos ng mga parents ko at ng lola ko na nagpapaaral sa akin,” ayon pa kay Kirk.
Balak ni Kirk na ibahagi ang kanyang kaalaman sa interior designing sa susunod mga buwan sa pamamagitan ng pagpasok niya bilang guro sa University.