Isang karpintero ang naiulat na naisugod sa Romblon District Hospital sa Romblon, Romblon matapos na makuryente habang nagtatrabaho nitong nakaraang Linggo sa Barangay Bagacay.
Ayon sa report ng Romblon Municipal Police Station, nagtatrabaho ang biktimang si Renel Maines, 23, sa fourth floor ng Evangelyn Oriola Building nang mangyari ang aksidente. Pinaabot umano ni Maines ang isang aluminum bar mula sa first floor ngunit habang hinihila ni Maines ito ay tumama umano sa isang electric drop wire ang aluminum bar kaya ito nakuryente.
Sa imbestigasyon ng pulisya, hindi umano alam ni Maines na may electric drop wire malapit sa kanyang working area kaya itinuturing ito ng pulisya na isa lang aksidente.
Inilipat sa José R. Reyes Memorial Medical Center sa Metro Manila ang biktima para doon gamutin.