May kabuuang 2,681 maralitang senior citizens sa bayan ng Romblon ang tumanggap ng kanilang social pension mula sa pamahalaang lokal.
Sinabi ni OSCA Head Lerma M. Erispe na umabot ng P8,043,000 ang ipinamahagi nilang social pension sa mga mahihirap na nakatatanda na mula sa 31 barangay na nasasakupan ng LGU Riomblon.
Ang pamamahagi ng pensyon ay ginanap sa covered court ng Romblon Public Plaza sa pangangasiwa ng Municipal Social Welfare and Development Office, Office for Senior Citizen’s Affairs (OSCA) at pakikipagtulungan ng mga empleyado ng munisipyo ng Romblon.
Bawat benepisyaryo ay tumatanggap ng tig-P500 kada buwan. Ang kanilang natanggap ay kabayaran para 3rd at 4th quarter ng 2018 o mula Hulyo hanggang Disyembre.
Layunin ng Social Pension Program ng DSWD na maisaayos ang pamumuhay ng mga mahihirap na senior citizen sa pamamagitan ng pagbibigay ng kakayahan sa mga ito na makabili ng pagkain, gamot at bitamina.
Ang Local Social Pension for Indigent Senior Citizen Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay alinsunod sa R.A. No. 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010 na nag-aatas sa lokal na pamahalaan na pagkalooban ng buwanang pensyon ang mga kapus-palad na nakatatanda sa lokalidad upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga ito partikular ang pagkain at gamot.
Sakop ng batas na ito ang mga mahihirap o indigent senior citizens na nanghihina na, sakitin, may kapansanan at walang natatanggap na pension o permanenteng pinagkukunan ng kita o suporta sa miyembro ng pamilya.
Ang 2,681 na senior citizens sa Romblon ay nakapasa sa mga requirements ng DSWD National Household Targeting System for Poverty Reduction kung kaya nakasama sa talaan ng mga pensioners. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)