Malubhang sugat ang natamo sa paa at ulo ng isang rider nitong Lunes ng hapon matapos masangkot sa salpukan ng motorsiklo at tricycle sa Sitio Punta, Barangay Poblacion, Ferrol, Romblon.
Kinilala ang mga nasangkot na sina Ramon Cruz, 63-anyos, rider ng motorsiklo; habang ang driver naman ng tricycle ay kinilalang si Rommel Cayetano, 41-anyos, residente naman ng Barangay Canduyong.
Ayon sa pulisya, habang binabaybay ni Cruz ang pababang bahagi ng kalsada, bigla umanong lumipat ng kabilang linya ang kasalubong niyang tricycle na paakyat naman ng kalsada kaya sila nagsalpukan.
Tumilapon ang rider ng motorsiklo dahil sa pagkakasalpok kaya nagtamo ng sugat dahilan naman para agad siyang isugod sa Romblon Provincial Hospital.
Dinala naman si Cayetano sa Ferrol Municipal Police Station para imbestigahan gayun na rin ang mga nasangkot na sasakyan.
Patuloy na inoobserbahan ang lagay ni Cruz sa ospital.
Paalala ng Ferrol Municipal Police Station sa mga rider, maging maingat sa pagmamaneho lalo kung umuulan at madulas ang kalsada.