Nananawagan ang Commission on Elections (Comelec)-Romblon sa mga kumandidato sa Baranggay at Sangguniang Kabataan nitong nakaraang halalan na kailangan nilang magbigay ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) hanggang sa Hunyo 13.
Ayon kay Provincial Election Supervisor Atty. Percival C. Mendoza na nakasaad sa Republic Act 7166 Section 14 na dapat ihain ng kandidato ang kanilang SOCE 30 araw matapos ang halalan sapagkat mandato ito sa kanilang ahensiya na ipatupad ang election laws.
Ang mga tumakbo sa nakaraang eleksyon noong Mayo 14, 2018, nanalo man o natalo ay kailangang maghain ng SOCE na nagsasaad ng kanilang mga nakuhang kontribusyon maging cash o in-kind mula sa kanilang mga kaibigan o kakampi.
Maliban sa nakuhang kontribusyon ay kailangang ilagay rin nila sa naturang dokumento kung magkano ang kanilang ginastos sa pagkandidato sa barangay.
Mahalaga ang paghahain ng SOCE dahil pwedeng maalis sa kanilang puwesto o kaya hindi na sila puwedeng kumandidato sa mga susunod na halalan.
Pakiusap pa ng Comelec na huwag na sanang hintayin pa ng mga kumandidato ang huling araw ng pagsusumite ng SOCE upang maiwasan ang pagdagsa sa opisina ng COMELEC.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)