Maliban sa pagtaas ng pamasahe ng mga biyaherong sumasakay ng barko na biyaheng Batangas galing Odiongan sa Romblon, tumaas rin ang pamasahe ng mga sasakyan bumabiyahe.
Sa nakuhang matrix ng Romblon News Network, nasa P918 na ang binabayaran kung magsasakay ka ng bisekleta sa barko, P3,672 naman kung motorsiklo at P7,000 – 25,000 kung kotse o truck dipende sa haba nito.
Isa sa mga apektado ng pagtaas ng presyo ng pamasahe sa barko dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law ay ang mga nasa forwarding/trucking services kagaya ni Vicente Mayuga, manager ng isang forwarding company sa Odiongan.
Ayon kay Mayuga ng makapanayam ng Romblon News Network nitong Martes, sinabi nitong noon umano ay nagbabayad lamang sila ng P10,282 pesos kada biyahe ng truck nila at ngayon umano ay aakyat na sa P13,000 – P14,000 ang bayarin.
“Sa amin walang problema yun, pwede kasi kami magtaas rin ng presyo sa mga kargadang pinapadala sa amin,” ayon kay Mayuga.
Posible umanong magtaas rin sila ng singil sa mga nagpapadala sa kanila ng mga gamit, at mga produkto dahil malaki ang umano ang epekto sa kanila ng dagdag pamasahe sa barko, dagdag pa ang pagmahal ng diesel ng kanilang truck at dagdag singil sa mga toll gates.
“Pwede ring tumaas pero sana wag masyadong malaki naman. Yung mga 5% sana okey lang, wag naman yung masyadong malaki,” pahayag pa ni Mayuga.