Isang lalaki ang natagpuang tadtad ng taga sa isang liblib na sitio sa Barangay Tan-agan, San Andres, Romblon kaninang umaga.
Kinilala ng mga residente ng nasabing barangay ang biktima na si Ranie Santiago Gan, 25 taong gulang, at residente ng Sitio Hablon ng nasabing Barangay at kilala sa lugar bilang “RanRan”.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-8:30 ng January 01 ng umuwi si RanRan galing sa inuman kasama ang kanyang mga kamag-anak at pagdating sa Sitio Hablon ay nakasabay niya ang dalawang lalaking kinilalang sina Renan Ganan, 39; at Jonel Ganan, 22.
Nagkaroon umano ng sagutan sina RanRan at ang dalawang Ganan hanggang sa pagtulungan umano ng dalawang pagsasaksakin si RanRan.
Nagtamo ng 6 na tama ng saksak si RanRan sa likod at isang hiwa sa leeg na naging dahilan ng agad niyang pagkamatay.
Bandang alas-6 na ng January 02 natagpuan ang bangkay ni RanRan sa pinangyarihan ng krimen.
Naaresto rin agad ng mga tauhan ng San Andres Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Senior Inspector Edwin Bautista sina Renan at Jonel Ganan. Nakakulong na ngayon ang mga ito at nahaharap sa kasong murder.