Isang hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na gamot ang nasakote ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Romblon Provincial Mobile Force Company-Romblon PPO at ng Provincial Intelligence Branch (PIB)-Romblon nitong umaga ng Miyerkules sa bayan ng Odiongan.
Kinilala ang suspek na si Arvic Guyo Yap, nasa hustong gulang, hiwalay sa asawa at kasalukuyang naninirahan sa Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon.
Ayon sa kopya ng Inventory of Confiscated/Seized items na nakalap ng Romblon News Network, nakasaad dito na nakuha sa suspek ang isang ‘plastic heat sealed sachet containing white crystalline substance’ na hinihinalang shabu; at isang pirasong One Thousand Peso bill na may serial number na GN700715.
Ayon kay Yap ng makapanayam ng Romblon News Network, inamin nito na dati na siyang gumagamit ng ipinagbabawal na shabu at katunayan anya, ay nitong nakaraang Nobyembre ay huli siyang gumamit.
Itinanggi naman ng suspek na kanya ang nakuhang isang sachet na hinihinalang shabu at ang isang pirasong One Thousand peso bill.
Ayon naman kay SPO3 Allan Fruelda ng PIB-Romblon, ng kunan ng pahayag tungkol sa nangyaring buy bust operation, bagong laya lamang umano sa pagkabilanggo ang suspek na si Yap at namonitor nila na bumalik agad umano ito sa pagbebenta ng droga.