Aabot sa siyam pamilya galing sa Sitio Bahay, Barangay Mabini, San Fernando, Romblon ang inilikas sa Bulabog Evacuation Center dahil sa naganap na pagguho ng lupa sa lugar.
Ayon kay Harvey Relox, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng San Fernando, may mga natabunan ng landslide na kalsada sa lugar pero passable pa naman umano ito ngayon.
Wala naman umanong nasaktan sa pagguho ng lupa kaninang alas-6 ng umaga pero patuloy umano ang pagbaba ng lupa kaya pinaalis at inilikas muna ang ilang residente ng sitio sa evacuation center.
Ang pagguho ng lupa ay sanhi ng walang tigil na ulan sa lugar na may paminsahang malalakas na ihip ng hangin.
Nangyari ang pagguho ng lupa sa lugar kung saan nagkaroon rin ng landslide ng manalasa ang bagyong Urduja nitong nakaraang taon kung saan namatay ang dalawang matandang mag-asawa.