Patay ang isang sakristan ng Shrine of Immaculate Conception sa San Fernando, Romblon matapos sumalpok sa nakaparadang cement mixer ang minamanehong ‘skeleton’ na motorsiklo nitong gabi ng December 27.
Batay sa report ng San Fernando Municipal Police Station, galing sa inuman ang biktimang kinilalang si Ronald Lisangke, 21-taong gulang, at native ng Alcantara, Romblon.
Sumakay umano ito sa motorsiklo at nagmeneho hanggang sa sumalpok sa cement mixer na nakaparada sa bahagi ng National Road sa Barangay Taclobo, San Fernando, Romblon.
Unang tumama ang ulo ng rider sa metal plate ng cement mixer na dahilan ng kanyang agarang pagkamatay. Isinugod pa siya sa Sibuyan District Hospital ngunit idineklara ring Dead on Arrival.
Nakasaad rin sa police report na sinubukan pa sanang pigilang magmaneho ng kanyang kaibigan si Lisangke dahil nakainum na nga ito ngunit hindi ito nakinig at nagpatuloy.
Napag-alaman ring walang headlight ang sasakyan ni Lisangke at wala ring early warning device na naka-install bago dumating sa nakaparadang cement mixer.