Malubha ang lagay ng mag-amang isinugod sa Romblon District Hospital sa bayan ng Romblon, Romblon matapos masangkot sa aksidente pasado alas-7 kagabi.
Ayon sa mga nakasaksi sa pangyayari, binabaybay umano ng mag-ama ang kalsada sa Brgy. Lonos, Romblon, Romblon ng sumalpok sa nakaparadang van. Madilim umano sa lugar at maaring hindi naaninag ng mag-ama ang van.
Tumilapon ang dalawang sakay nito habang nawasak ang harapan ng motorsiklo. Nagtamo ng maraming sugat ang rider habang ang batang kasama nito ay walang malay at duguang isinugod sa ospital.
Ayon sa mga unang rumesponde, maaring nakainum ang rider ng motorsiklo at maaring nakaapekto rin ang kawalan ng street lights sa lugar.
Patuloy na iniimbestigahan ng Romblon Municipal Police Station ang aksidente.