Tatlong estudyante na papasok na ng Alcadesma National High School ang patay matapos na sumalpok ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa kasalubong na 10-wheeler truck sa kahabaan ng Philippine Nautical Highway System sa Barangay Salcedo, Bansudo, Oriental Mindoro.
Nangyari ang aksidente pasado alas-7 kaninang umaga.
Ayon kay PSINSP MARFREDO B. DULATRE ng Bansud Municipal Police Station, matulin umano ang paandar ng motorsiklong minamaneho ng isang estudyante.
Nag-overtake umano ito sa isang motor at hindi siguro napansin na kasalubong na pala ang 10-wheeler truck na may kargang bato at buhangin na patungo sanang bayan ng Bongabong.
Dahil sa lakas ng pagkakasalpok ng motorsiklo sa truck, tumilapon ang ilang sakay nito habang ang isa naman ay pumailalim sa truck.
Dead on the spot ang tatlong estudyante. Kinilala ang mga sakay ng motorsiklo na sina Mico Silva Rivas, 17, driver; Niel Marin Peradilla, 23 at Rommel Rivas Mansalapus, 18 habang ang driver ng truck ay kinilalang si Adrian Enriquez Molina, 37.
Patuloy namang iniimbestigahan ng Bansud Municipal Police Station ang aksidente at kung sino ang mananagot rito.