by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Sunday, 03 July 2016
Isang lalake na naaktohang gumagamit ng iligal na droga ang nadakip ng mga tauhan ng Ferrol Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Inspector Francis Rey Manito sa isinagawa nilang drug raid sa isang tree house sa Barangay Tubigon, Ferrol, Romblon kahapon ng tanghali.
Nakilala ang suspek na si Bernie Yap, 41 taong gulang at residente ng Barangay Anahao sa bayan ng Odiongan.
Nakatakas naman ang may-ari ng tree house na target rin ng kapulisan na si Arnold Fernandez.
Nakuha sa tree house ang isang kitchen knife, ilang drug paraphernalia, anim na transparen plastic sachet, at dalawang sachet na may lamang residue ng pinaghihinalaang shabu.
Nakakulong na ngayon sa Ferrol Municipal Police Station ang nahuling suspek.