Patay na ng matagpuan ng mga tauhan ng San Fernando Municipal Police Station kasama ang Municipal Risk Reduction and Management Council ng San Fernando pasado alas-7 ngayong gabi ang isang ginang na tinangay umano ng anod sa Anahaw River.
Nakilala ang biktimang si Ma. Theresa Lagunday, 43 taong gulang at residente ng Barangay Pili.
Ayon sa imbestigasyon ng San Fernando Police, pauwi na umano si Lagunday at apat pa nitong kasama ng biglang umulan. Tatawirin na sana ng grupo ang Anahaw River ngunit biglang tumaas ang tubig sa ilog, na naging dahilan ng pag collapse ng river bank na kanilang tinatayuan.
Dito na tinangay ng anod si Lagunday habang nakakapit sa damo ang apat na kasama nito.
Dinala ang labi ni Lagunday sa Rural Health Unit upang dumaan sa medical examination.
Nalubog rin ang bayan ng San Fernando kanina dahil sa malakas na pag-uulan.