by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Thursday, 30 June 2016
Pinarangalan kahapon, June 29, ni outgoing President Benigno Aquino III si Eric Guevarra na miyembro ng Presidential Security Group (PSG) dahil sa kanyang pagpapakita ng katapatan at sa paglilingkod sa Pangulo habang ito ay nasa pwesto.
Binigyan si Guevarra na tubong Romblon, Romblon ng Philippine Legion of Honor.
Nitong Lunes sa testimonial parade ng AFP sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Aquino na naging panatag ang kanyang loob dahil sa mga PSG na kasama niya saan man siya pumunta.
“Sa mga bumubuo ng PSG: Sa bawat hakbang sa Daang Matuwid, naging panatag ang loob ko, dahil nariyan kayo at laging nagpapamalas ng propesyunalismo, at maayos na pakikipag-ugnayan sa atin pong security forces,” pahayag ni Pangulong Aquino.
“Siguro, ang iniisip ng iba, ang sarap ng buhay maging aide ng Pangulo. Ang di po alam ng marami, sila ang katapat at unang tagasalo ng stress, at pati na minsan, ng init ng ating ulo,” dagdag pa ni Pangulong Aquino.
“Alam ho ninyo ultimo kung minsan pati ayos ng barong, pati kung magulo po ang natitira nating buhok, kailangan din nilang asikasuhin. Kung patong-patong ang iniisip ko, talagang sila ang karamay ko,” saad ng Pangulo.