Nagsagawa ng public hearing ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)–MIMAROPA noong Nobyembre 26, 2026 sa Prince Aly Hotel, Odiongan, Romblon, upang makalap ang mga pananaw at rekomendasyon ng iba’t ibang sektor bilang bahagi ng pagsusuri sa umiiral na minimum wage rates sa rehiyon.
Layunin ng konsultasyon na masuri kung ang kasalukuyang minimum wage ay tumutugon pa rin sa pangangailangan ng mga manggagawa at kanilang pamilya, gayundin sa kakayahan ng mga employer na magpatuloy sa operasyon at makapagbigay ng trabaho sa gitna ng nagbabagong kalagayang pang-ekonomiya.
Nakiisa sa aktibidad ang mga kinatawan ng mga employer, manggagawa, kasambahay at iba pang stakeholder upang maipahayag ang kanilang mga pananaw, mungkahi at alalahanin hinggil sa kasalukuyang antas ng sahod at posibleng pagsasaayos nito.
Sa pamamagitan ng public hearing, binibigyan ng pagkakataon ang mga sektor na ilahad ang kanilang aktuwal na kalagayan, kabilang ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa gastusin ng mga pamilya, gayundin ang mga hamon sa pagpapatakbo ng mga negosyo at pagpapanatili ng trabaho.
Kabilang sa mga isinasaalang-alang sa pagsusuri ang cost of living, pangangailangan ng mga manggagawa at kanilang pamilya, umiiral na antas ng sahod, kakayahang magbayad ng mga employer, produktibidad, at posibleng epekto ng anumang pagbabago sa sahod sa trabaho at kabuhayan.
Ang mga pananaw at datos na makakalap mula sa konsultasyon at public hearing ay magsisilbing batayan ng RTWPB-MIMAROPA sa pag-aaral at deliberasyon kung nararapat nang maglabas ng bagong wage order o panatilihin ang kasalukuyang antas ng sahod.
Matapos ang mga pagdinig, susuriin ng lupon ang mga impormasyong nakalap at maglalabas ng kaukulang resolusyon. Kung mapagpasiyahang kailangan ang pagsasaayos ng minimum wage, maglalabas ito ng bagong wage order na sasailalim sa pagsusuri ng National Wages and Productivity Commission (NWPC).


























