Nakumpiska ang dalawang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng puting kristal na substansiyang hinihinalang shabu mula sa mga personal na gamit ng isang person deprived of liberty (PDL) sa Romblon District Jail noong November 25.
Ayon sa ulat ng piitan, natuklasan ang hinihinalang ilegal na droga bandang alas-5:20 ng hapon habang isinasagawa ni JO1 Alvin M. Montilla, duty searcher/gater, ang body search at inspeksiyon sa mga personal na gamit ng bagong pasok na PDL.
Bago ito, bandang alas-4:47 ng hapon, dinala ng San Fernando Municipal Police Station sa piitan ang suspek, na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Jonathan Ochava Abad, alyas “Budoy,” na may kaugnayan sa kasong robbery.
Sa pagsisiyasat sa bag ni Bantigue, nakita umano ni Montilla ang isang maliit na nakarolyong brown paper sa kanang bulsa ng shorts nito. Nang ipakita at buksan ito kasama ang duty desk officer, natagpuan ang dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na may lamang puting kristal na substansiya na hinihinalang shabu.
Agad namang nakipag-ugnayan si JSINSP Emely Mallen, acting district jail warden, sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Romblon, Philippine National Police (PNP), kinatawan ng korte at mga opisyal ng barangay para sa kaukulang dokumentasyon, pagmamarka at pag-iimbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensiya.
Bandang alas-7:40 ng gabi, itinurn-over ang dalawang sachet sa Romblon Municipal Police Station, para isumite sa crime laboratory at sumailalim sa pagsusuri.


























