Arestado ang isang 72-anyos na security guard matapos makumpiska sa kanyang tirahan ang mga hinihinalang hindi lisensiyadong baril, mga bala at isang fragmentation-type hand grenade sa bisa ng search warrant sa Barangay Tan-agan, San Andres, Romblon noong November 26.
Dakong alas-5:40 ng hapon nang isagawa ng pinagsanib na puwersa ng mga awtoridad ang operasyon sa Sitio Hablon, Barangay Tan-agan. Pinangunahan ito ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Romblon Provincial Field Unit, katuwang ang iba't ibang yunit ng Philippine National Police (PNP).
Batay sa ulat ng pulisya, ipinatupad ang Search Warrant No. SA-01 na inilabas noong Nobyembre 24, 2026 ng Municipal Trial Court of San Andres-Calatrava, Romblon, kaugnay ng umano'y paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Kabilang sa mga nakumpiska sa isinagawang paghahalughog ang isang homemade 12-gauge sumpak, isang homemade 12-gauge shotgun, isang magazine na may tatlong bala, limang karagdagang bala ng kalibre 12 gauge, at isang fragmentation-type hand grenade.
Narekober din ang apat na basyo ng bala ng kalibre .380, dalawang basyo ng bala ng kalibre 9mm at isang brown leather bag.
Ayon sa ulat, dumating sa lugar ang 72-anyos na suspek matapos ang paghahalughog at sinabi umano sa mga operatiba at mga saksi na itinago niya ang mga nasabing bagay para sa kanyang depensa dahil sa umano'y mga banta sa kanyang buhay.
Matapos siyang makilala bilang may-ari at nakatira sa bahay, inaresto siya ng mga awtoridad.
Isinagawa ang paghahalughog at pag-iimbentaryo sa presensya ng mga opisyal ng barangay at isang miyembro ng pamilya ng suspek. Gumamit din ang mga operatiba ng dalawang alternative recording devices upang maidokumento ang operasyon alinsunod sa mga umiiral na alituntunin ng Korte Suprema.
Ipinaalam sa suspek ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine at Republic Act No. 9745 o Anti-Torture Act of 2009.
Dinala ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa CIDG Romblon Provincial Field Unit para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Inihahanda na ang mga kasong may kaugnayan sa umano'y paglabag sa Section 28(a) ng RA 10591 at Section 3 ng Presidential Decree No. 1866, na inamyendahan ng RA 9516, kaugnay ng ilegal na pagmamay-ari ng baril at mga pampasabog. Isasampa ang mga ito sa Office of the Provincial Prosecutor sa Odiongan, Romblon.
Samantala, muling hinimok ng Romblon Police Provincial Office ang publiko na iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang sinumang hinihinalang ilegal na nagtatago o nagmamay-ari ng mga baril, bala at pampasabog.
Paalala ng pulisya, ang sinumang inaakusahan ng paglabag sa batas ay itinuturing na inosente hangga't hindi napapatunayang nagkasala sa harap ng hukuman.


























