Kinilala si Romblon Governor Trina Alejandra Q. Firmalo-Fabic bilang isa sa mga young leaders na nagsusulong ng matino, mahusay, at may pusong pamamahala kasunod ng kanyang paglahok sa Young Leaders for Good Governance (YLGG) Fellowship Program ng Jesse M. Robredo Foundation.
Ayon sa Jesse M. Robredo Foundation, naging bahagi si Firmalo-Fabic ng YLGG alumni network na nagsisilbing pagsasanay at paghahanda sa mga kabataang lider para sa responsableng pamamahala at paglilingkod sa publiko.
Sa pamamagitan ng fellowship program, sumailalim siya sa iba't ibang workshop, lecture, at aktibidad na naglalayong higit na palakasin ang kanyang kakayahan at paninindigan sa good governance at public service.
Binigyang-diin din ng foundation ang mga hakbang ni Firmalo-Fabic sa kanyang unang 100 araw bilang gobernador ng Romblon, partikular sa pagsusulong ng transparency, accountability, healthcare, pangangalaga sa kalikasan, at pagpapaunlad ng lalawigan.
Ayon sa organisasyon, nakatulong ang YLGG sa pagpapalawak ng mga prinsipyo at kakayahan na taglay na ni Firmalo-Fabic bilang lider at patuloy niyang ginagamit sa paglilingkod sa mga mamamayan.
Kasabay nito, inanunsyo ng Jesse M. Robredo Foundation ang pagbubukas ng aplikasyon para sa YLGG Fellowship Program na bukas sa mga incumbent young elected local government officials na edad 21 hanggang 40 taong gulang at kayang dumalo sa lahat ng module at kumpletuhin ang mga kinakailangang requirements.
Layunin ng programa na humubog ng mga lider na may integridad, kakayahan, at malasakit sa mamamayan.
























