Tumanggap ng tig-₱3,000 na pinansyal na tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 30 Persons Deprived of Liberty (PDL) na kasalukuyang naka-enroll sa Alternative Learning System (ALS) program ng Odiongan District Jail upang masuportahan ang kanilang mga pangangailangan sa pag-aaral.
Bahagi ang naturang inisyatiba ng pagsusulong ng edukasyon at rehabilitasyon sa mga PDL sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pagkakataong makapag-aral, magkaroon ng karagdagang kaalaman at mapaunlad ang kanilang sarili.
Sa pamamagitan ng ALS program, nabibigyan ang mga PDL ng alternatibong pagkakataong maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at makapaghanda para sa kanilang muling pagbabalik sa komunidad.
Mahalaga rin ang ganitong mga programa upang mabigyan ng pagkakataon ang mga PDL na magkaroon ng panibagong direksyon at mas maayos na paghahanda para sa kanilang buhay matapos ang pagkakakulong.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamunuan ng Odiongan District Jail sa DSWD sa patuloy na suporta at pagbibigay ng mga oportunidad na makatutulong sa pagpapatuloy ng edukasyon at personal na pagpapaunlad ng mga PDL.


























