Nanguna ang FAAS Lofts Hotel sa San Agustin, Romblon sa mga hotel na pinakabinibisita sa buong Romblon noong buwan ng October matapos makapagtala ng maraming booking, batay sa datos na inilabas ng Provincial Tourism Office sa ginanap na pagpupulong ng Provincial Tourism Council nitong November 18.
Nanguna ang FAAS Lofts Hotel sa talaan, na may aabot sa 421 bisita para sa nasabing buwan.
Lumamang ito ng 117 bisita sa pumangalawang 4J Resort na nakapagtala naman ng 304 bisita sa nasabing buwan. Pumangatlo sa talaan ang Horizon Hotel Romblon na may 139 bisita.
Ipinapakita ng datos ang aktibidad ng mga accommodation establishments sa Romblon at ang bilang ng mga turistang kanilang tinanggap sa nasabing panahon. Mahalaga rin ang pagtatala ng mga bisita upang masubaybayan ng Provincial Tourism Office ang galaw ng turismo sa lalawigan.
Ipinaliwanag ni Kim Anthony Faderon, Tourism Officer ng lalawigan, na ang naturang datos ay batay lamang sa mga ulat na isinumite sa kanilang opisina.


























