Hinikayat ni Mayor Marvin “Greggy” Ramos ang mga residente at iba't ibang sektor ng komunidad na aktibong makilahok sa paghahanda ng badyet ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng bayan.
Ayon kay Ramos, mahalagang isaalang-alang ang mga mungkahi at rekomendasyon ng mamamayan sa proseso ng pagbabadyet bilang bahagi ng pagsusulong ng bukas at responsableng pamamahala.
Ipinaliwanag din ng alkalde na hindi siya direktang nakikialam sa proseso ng bidding dahil, alinsunod sa umiiral na mga patakaran, hindi dapat manghimasok ang mga local chief executive (LCE) sa naturang proseso.
Kinilala rin ni Ramos ang mga hamong maaaring kaharapin sa paggamit ng nakalaang pondo at pagpapatupad ng mga proyekto. Aniya, mahalagang matiyak na maayos na naisasakatuparan ang mga ito at natutugunan ang anumang pagkukulang.
Binigyang-diin niya na dapat managot ang mga indibidwal na may kaukulang responsibilidad sa pagpapatupad ng mga proyekto upang matiyak na nagagamit nang wasto ang pondo ng bayan.
Hinimok naman niya ang publiko na patuloy na maging mapagmatyag at makilahok sa mga proseso ng lokal na pamahalaan upang mapalakas ang transparency, accountability at tiwala ng mamamayan sa pamahalaang bayan.


























