Tatlong pamilya sa bayan ng Concepcion, Romblon ang tumanggap ng kani-kanilang bagong tahanan sa ilalim ng PABAHAY Project ng lokal na pamahalaan sa isinagawang ceremonial turnover noong Nobyembre 9, 2026.
Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng proyekto na mabigyan ng permanente, ligtas at disaster-resilient na tahanan ang mga pamilyang kailangang ilipat mula sa mga lugar na mataas ang panganib sa sakuna.
Sa tatlong benepisyaryo, dalawang pamilya ang nagmula sa mga coastal area habang ang isa naman ay naninirahan sa watershed area.
Sa pamamagitan ng programa, inaasahang mailalayo ang mga benepisyaryo sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng mga kalamidad at mabibigyan sila ng mas ligtas na kapaligiran at maayos na tirahan.
Bahagi ito ng mga hakbang ng lokal na pamahalaan ng Concepcion upang mapalakas ang kaligtasan ng mga residente at makabuo ng mga komunidad na mas handa sa mga posibleng sakuna.


























