Arestado ang isang 36-anyos na lalaki na kinilala ng mga awtoridad bilang High-Value Target (HVT) drug personality matapos ang isinagawang joint buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Romblon at San Fernando Municipal Police Station (MPS) madaling araw ng November 9.
Sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, isinagawa ang operasyon bandang alas-3:05 ng madaling araw sa National Road, Barangay Poblacion, sa pangunguna ng PDEA Romblon katuwang ang Municipal Drug Enforcement Team ng San Fernando MPS.
Nasamsam umano mula sa suspek ang 55 heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu. Dalawa sa mga ito ang ginamit sa transaksiyon, habang 53 iba pa ang narekober mula sa kaniyang pag-iingat.
Tinatayang limang gramo ang kabuuang timbang ng mga nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga, na may tinatayang halagang ₱34,000 batay sa pagtataya ng Dangerous Drugs Board (DDB).
Narekober din ng mga awtoridad ang iba pang ebidensiyang may kaugnayan umano sa ilegal na aktibidad.
Nasa kustodiya na ng San Fernando MPS ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Isusumite naman sa Romblon Forensic Unit sa Odiongan ang mga nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga para sa pagsusuri.


























