Ilang establisimyento sa Odiongan ang umano’y nabiktima ng pekeng ₱1,000 bill mula pa noong ikatlong linggo ng Oktubre, batay sa impormasyong natanggap ng Romblon News Network.
Kabilang sa mga naiulat na biktima ang isang hardware, isang restaurant, isang motorcycle dealer at isang botika.
Sa pinakahuling insidente, nitong unang araw ng trabaho sa Nobyembre, natuklasan umano ng mga tauhan ng motorcycle dealer na peke ang perang natanggap nito nang magdeposito na sa bangko.
Ilan sa mga serial number ng pekeng pera ay ang AL1338432 at ang AL021404.
Pinapayuhan naman ng mga nabiktimang negosyante ang mga kapwa nito at mamimili na maingat na suriin ang mga perang papel na kanilang tinatanggap at agad na ipagbigay-alam sa bangko o pulisya ang anumang kahina-hinalang salapi.


























