Nais ng pamahalaang panlalawigan ng Romblon na mamahagi ng food packs sa mga pamilyang makapagpapakumpleto ng bakuna ng kanilang mga anak, bilang insentibo sa ilalim ng ipinasang bagong ordinansa ng Sangguniang Panlalawigan.
Saklaw ng Provincial Ordinance No. 26, Series of 2026 ang mga sanggol at batang edad zero hanggang limang taon na naninirahan sa lalawigan. Layunin nitong palawakin ang access sa pangunahing bakuna at hikayatin ang mga magulang at guardian na sundin ang itinakdang immunization schedule.
Ang pamamahagi ng food packs ay nakadepende kung may pondo ang pamahalaang panlalawigan.
Kabilang sa mga bakunang nakasaad sa ordinansa ang BCG, DPT, polio, MMR, hepatitis B at Haemophilus influenzae type b (Hib), alinsunod sa Republic Act No. 10152 at mga gabay ng Department of Health.
Bukod sa food packs o rice assistance, maaaring bigyan ng certificate of recognition ang mga batang makakakumpleto ng bakuna bago mag-13 buwan, at kilalanin ang mga pamilyang sumusunod sa immunization schedule.
Pangungunahan ng Provincial Health Office ang pagpapatupad nito sa pakikipag-ugnayan sa mga Rural Health Unit, Municipal Health Officers, barangay health workers at iba pang health personnel.
Nakasaad sa ordinansa na walang magulang o guardian na makukulong dahil sa hindi pagpapabakuna sa anak, ngunit maaari silang sumailalim sa counseling at mandatoryong pagdalo sa health seminars.


























