Itinatag ng Sangguniang Panlalawigan ng Romblon ang Provincial Cybercrime Office sa ilalim ng Provincial Ordinance No. 25, Series of 2026, upang tumulong sa pag-iwas at pagtugon sa mga krimeng may kaugnayan sa internet at digital na teknolohiya.
Inaprubahan ang ordinansa noong Oktubre 9, 2026, sa ika-35 regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan.
Layunin nitong palakasin ang cybersecurity, protektahan ang impormasyon at digital infrastructure ng pamahalaang panlalawigan, at suportahan ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) at Provincial Cybercrime Response Team (PCRT).
Makikipag-ugnayan ang tanggapan sa mga kinauukulang ahensiya sa ilalim ng operational supervision ng Regional Anti-Cybercrime Unit 4B (RACU-MIMAROPA-ACG).
Kabilang sa mga tungkulin nito ang pagtulong sa imbestigasyon ng cybercrime, pagsusuri at pag-recover ng digital evidence, pagbibigay ng teknikal na suporta sa PCRT, at pagrekomenda ng mga polisiya at programa laban sa cybercrime.
Maglalaan din ng buwanang pondo para sa operasyon at teknikal na pangangailangan, kabilang ang travel, komunikasyon at internet, at pagkukumpuni at maintenance ng kagamitan.
Saklaw ng ordinansa ang pagtugon at pagre-refer sa mga insidenteng may kaugnayan sa iba’t ibang paglabag, kabilang ang online libel, online estafa, identity theft, online sabong at pagkalat ng pekeng balita. Nakasaad din dito ang mga parusang maaaring ipataw sa mga paglabag sa ordinansa.


























