Kinondena ng pamunuan ng Sibuyan District Hospital ang isang insidente ng umano’y disruptive at aggressive behavior na kinasasangkutan ng isang public official sa loob ng pasilidad noong October 3, 2026.
Sa inilabas na official statement ng ospital, sinabi ng management na hindi katanggap-tanggap ang pagsigaw at pagmumura sa loob ng isang medical facility, lalo na sa harap ng mga frontline healthcare worker.
Binigyang-diin ng pamunuan na nararapat na magkaroon ang mga healthcare worker at medical staff ng ligtas, maayos at magalang na lugar upang maisagawa ang kanilang mga tungkulin.
Ayon sa ospital, nagpahayag na umano ng pagsisisi ang nasabing opisyal kasunod ng insidente. Gayunman, sinabi ng management na hindi dapat pinahihintulutan o ginagawang normal ang ganitong pag-uugali, anuman ang posisyon, awtoridad o katayuan ng isang tao.
Patuloy namang sinusuri ng pamunuan ng Sibuyan District Hospital ang insidente upang matiyak na nasusunod ang mga naaangkop na protocol at procedure at naipatutupad ang mga kinakailangang safeguarding measures.
Sinabi rin ng ospital na nananatili itong nakatuon sa pagbibigay ng dekalidad at propesyonal na serbisyong pangkalusugan sa mga residente ng Sibuyan.
Nanawagan naman ang pamunuan sa lahat, kabilang ang mga public official at community leader, na pairalin ang civility, professionalism at mutual respect sa loob ng pasilidad.
Hindi tinukoy sa official statement ang pangalan ng public official na sangkot sa insidente o ang dahilan ng naganap na komprontasyon.


























