Pinalakas ng Department of Health (DOH) MIMAROPA ang mga hakbang sa paghahanda upang maprotektahan ang mga komunidad sa rehiyon laban sa posibleng epekto ng inaasahang super El Niño, kabilang ang pagtiyak sa suplay ng ligtas na tubig, gamot, hygiene supplies at kahandaan ng mga health response team.
Iniulat ng DOH MIMAROPA Center for Health Development ang mga paghahandang isinagawa sa ginanap na 3rd Quarter Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) meeting noong September 24.
Kabilang sa mga inihandang suplay ang water, sanitation and hygiene (WASH) supplies tulad ng collapsible jerry cans at hygiene kits na naipuwesto na sa mga lalawigan ng Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan.
Bukod dito, nakapamahagi na rin ang ahensya ng mahahalagang gamot, aqua tabs at iba pang health commodities na nagkakahalaga ng mahigit ₱3.4 milyon sa mga provincial health office at regional warehouses.
Inihanda rin ang mga transport asset at emergency tents na gagamitin sa mga field operation kung kinakailangan.
Ayon kay DOH MIMAROPA DRRM-H Manager Ramonito G. Martin, isinasagawa na ang mga hakbang upang matiyak ang mabilis na pagtugon at pagpapatuloy ng serbisyong pangkalusugan sa gitna ng mga panganib na dulot ng climate-related events.
“We are strengthening our logistics, response teams, and coordination with partner agencies to ensure that health services remain accessible and that communities are protected from the effects of El Niño,” ani Martin.
Sinabi rin ng DOH na naka-activate ang 24/7 monitoring sa pamamagitan ng kanilang Emergency Operations Center, habang naka-standby ang rapid health assessment teams, medical responders at public health units para sa agarang deployment.
Patuloy naman ang koordinasyon ng ahensya sa mga ospital, lokal na pamahalaan at iba pang katuwang na institusyon upang matiyak ang mas mabilis na paghahatid ng health interventions sakaling lumala ang epekto ng matinding tagtuyot at matinding init.
Bahagi ito ng mas malawak na paghahanda ng DOH MIMAROPA upang mabawasan ang health risks na maaaring idulot ng matagal na dry conditions at extreme heat na kaugnay ng El Niño.

























