Nagsampa na ang Philippine Coast Guard (PCG) ng paunang reklamong kriminal laban kay M/V June Aster Captain Roel Sarmiento kaugnay ng insidenteng naganap sa barko sa karagatan ng Coron, Palawan.
Isinampa ng PCG ang reklamo sa National Prosecution Service (NPS) ng Department of Justice sa Maynila noong September 23, 2026, na may kaugnayan sa umano’y falsification of public documents o pagpepeke ng pampublikong dokumento, alinsunod sa Article 172 ng Revised Penal Code.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, nakaugnay ang reklamo sa mga dokumentong isinumite ni Sarmiento bilang bahagi ng Master’s Declaration of Safe Departure (MDSD), partikular sa idineklarang bilang ng mga sakay ng barko.
Inihahanda rin ng PCG ang iba pang kaukulang reklamo batay sa mga ebidensyang nakalap habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Kasalukuyang sinusuri ng NPS ang unang reklamo. Kapag nakita nitong may sapat na batayan, ido-docket ang reklamo at isasailalim sa preliminary investigation.
Samantala, patuloy ang PCG sa pagbibigay ng libreng legal assistance sa mga pamilyang naapektuhan ng insidente at sa paghahanap sa walong indibidwal na nananatiling nawawala sa pamamagitan ng aerial search operations sa karagatan ng Palawan at Southern Tagalog.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Atienza Interisland Ferries Inc. at ang kanilang kinuhang salvor na C.V. Gaspar Salvage and Lighterage Corp. para mapabilis ang salvage operation ng M/V June Aster.
Batay sa pinakahuling datos ng Emergency Operations Center noong September 28, 2026, umabot na sa 77 ang nasawi, 43 ang nakaligtas at walo ang nawawala kasunod ng insidente ng M/V June Aster sa karagatan ng Coron, Palawan.


























Discussion about this post