Isinasagawa na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon ang pagtatayo ng Multi-Purpose Tribal Hall para sa mga katutubo sa Sitio Paguintingan, Barangay Lumbang Weste, Cajidiocan, Romblon.
May pondong halos ₱2 milyon ang proyekto at binubuo ito ng two-storey building. Sinimulan ang konstruksyon noong June 2026.
Ayon kay Provincial Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) Ireen Regular Roa, ang proyekto ay mahalaga para sa mga katutubong komunidad dahil magsisilbi itong lugar para sa kanilang mga pangangailangan, pagpupulong at iba pang mga aktibidad.
Sa kaniyang facebook page, ipinakita rin ni Roa ang project signboard na naglalaman ng mga detalye ng kasalukuyang isinasagawang Multi-Purpose Tribal Hall project.
Ayon kay Roa, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nabigyan ng proyekto ang isang IPMR, na naglalayong makatulong sa mga pangangailangan ng mga katutubo sa lalawigan.
Samantala, ibinahagi rin ni Roa ang planong susunod na proyekto para sa mga katutubo—ang pagtatayo ng Cooperative Building. Gayunman, hindi pa ito naipatutupad dahil wala pang natutukoy na angkop na lote sa bayan na maaaring pagtayuan ng gusali.
Ipinaliwanag ni Roa na magsisilbing lugar ang Cooperative Building kung saan maaaring dalhin at ibenta ng mga katutubo ang kanilang mga produkto at paninda. Inaasahang makatutulong ito sa pagpapalakas ng kanilang kabuhayan at mga aktibidad ng kanilang kooperatiba.
Inaasahang maisusulong ang Cooperative Building project sa susunod na taon, matapos matukoy ang angkop na lote at makumpleto ang mga kinakailangang proseso.


























Discussion about this post